Saturday, November 24, 2007

Kapuso at Kapamilya

Naudlot ang plano kong pumunta ng Calapan kahapon, para magsalita sa mga dating seminarista ng St. Augustin Seminary na naging mga opisyal ng gobyerno. Nag-text si Fr. Andy Lubi na baka walang biyahe dahil sa darating na bagyo.

Nakadalo tuloy ako sa EDSA Shang para makibahagi sa parangal kay Nene Guevarra ng Synergeia. Siya ang binigyan ng mga Mormons (Church of Jesus Christ of Latter Day Saints) ng kanilang taunang Family Values Award.

Problema lang, kailangan raw na pormal ang suot. Nakapag-long sleeve na polo barong tuloy ako. Buti na lang, talaga palang pormal. Pati si Nene, nakakapanibago - kontodo baro't saya na callado. Sabi nga niya sa kanyang talumpati, ang suot niya ay ang pangkasal sana niya, lamang ay di nga siya nakapag-asawa. Pabiro pa niyang sinabi na noong siya ay bata pa, nakakita siya ng unang Mormon at nagpantasya siyang mag-asawa ng Kanong gwapo.

Dating Finance Undersecretary si Nene noong panahon ni Ramos, eksperto sa buwis. Pero naging direktor sa programang edukasyon ng Ford Foundation, at doon kami nagkakilala.

Natatandaan ko pa ang una naming usapan. Sabi niya, ayaw niya na mag-pilot project lamang sa isang eskwela. Dapat buong sistema - lahat ng eskwelahan sa isang bayan, lungsod, or kahit isang probinsiya.

Hindi pa ko interesado noon sa edukasyong pormal, sa elementary at high school. Mas interes ko hanggang ngayon ang matulungan ang mga drop-out at mga out of school youth. Pero nang umalis na ang Ford sa Pilipinas, ang mga naging partner nito ay nagpasiyang itayo ang Synergeia Foundation para ipagpatuloy ang misyon na ayusin ang sistema ng ating edukasyon.

Ang magandang naisip ni Nene ay magsimula sa mga mayor at gobernador na nanalo na at kinilala ng Galing Pook. Dahil nagpakita na sila ng kakayahang mamuno, kailangan na lang silang kumbinsihin na ibaling ang kanilang galing sa larangan ng edukasyon.

Tulad ni Mayor Jessie Robredo ng Naga City. Sangkatutak na ang award para sa iba't ibang programa niya, Nang makumbinsi siyang asikasuhin ang edukasyon, inayos niya ang Local School Board o LSB para ayusin ang paggastos ng Special Education Fund na galing sa isang porsyento ng real estate tax ng siyudad. Dinagdagan niya ang ibang myembro ang LSB, para may kinatawan ang mga magulang at mga NGO.

Ang kahulugan ng synergeia sa Griyego ay pagsasanib ng lakas. Ganyan ang pamamaraan ng Synergeia - pagtutulungan ng mga titser at prinsipal, mga magulang at barangay, mayor at mga negosyante, mga NGO at iba pang sektor para paunlarin ang edukasyon. Siguro ay may 250 nang mga lugar sa Pilipinas na may ganitong pagtutulungan.

Pero siyempre, napakarami pa ang naghihintay. Sabi nga ni Nene, kung iisipin niya ang 12.5 milyon na mga batang Grade 1 hanggang Grade 6, nakakalula at nakakapagod isipin. Kaya naman pag may pagkilala ng nagawa na, sabi niya, nakakabuhay ng lakas, kahit na parang asiwa pa rin siyang tanggapin ang parangal.

Masaya kaming nagtagpo kagabi dahil nagkakwentuhan tungkol sa aming mga ginagawa. Ang Synergeia ay magsisimula rin sa Enero ng isang programa sa ilang mga Muslim na bayan ng Mindanao kung saan wala pang 30 porsyento ang nakakatapos ng Grade 6.

Sabi sa akin ni Nene, "Tumulong ka rito. Baka dito pwedeng gawin ang iyong itinutulak na ALS - Alternative Learning System, para sa mga drop-out at mga ayaw nang mag-aral sa pormal na eskwelahan."

Biro ng isang bisitang kaibigan kagabi, sana raw ay ibalik ng mga Mormon ang kanilang patakaran na pwedeng maraming asawa ang isang lalaki (polygamy). Pag nangyari ito, mag-Mormon raw siya para mapakasalan niya si Nene!

Pabiro ring sagot ni Nene, "Hindi pwede, marami pang ibang lalaking gusto ko sa Synergeia." Nakisabat na rin ako. Dapat palang relihiyon ni Nene ay yong pwedeng maraming asawa ang isang babae (polyandry)!

Siguradong rarami pa ang magiging kapuso at kapamilya ni Nene, lalaki at babae, habang tuloy ang paglawak ng mga kikilos para mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga kabataang nais ng de kalidad na edukasyon.

Thursday, November 22, 2007

Ang buhay nga naman

Kaninang umaga, maaga akong gumising para pumunta sa Orchidarium sa Luneta. Maglulunsad ng isang kampanya ang Clean and Green Foundation in Ming Ramos: Trees4Life. OK rin ang paggamit ng text spelling. Siguro target nila ay kabataang sanay na sa celfone.

Pero may karugtong na pangalan - Tubong Pinoy. Hindi kasi basta kahit na anong puno ang kanilang gustong itanim. Dapat ay mga katutubong punong kahoy.

Ang nag-imbita sa akin ay ang bagong direktor ng Clean and Green Foundation, si Meth Jimenez. Tubong Mindoro rin tulad ko.

Noon pa man, laluna nang binaha nang husto ang Mindoro, pinag-usapan naming magkampanya sa mga taga Mindoro sa loob at labas ng Pilipinas para makapagtanim ng isang milyong punong kahoy sa bundok at mga pampang ng ilog sa Mindoro.

Siempre prinoblema namin kung sino ang magtatanim. At laluna kung sino ang mag-aalaga at magbabantay sa itinanim na mga puno. Naisip naming tanungin ang simbahan - ang obispo at mga pari. Pero ang sagot ng mga unang kinausap niya ay "Bakit kami magtatanim? Puputulin lamang uli ng mga ilegal na loggers. Patigilin muna ng gobyerno ag illegal logging!"

Tubong Mindoro ako, pero ang trabaho ko sa mga katutubong komunidad ay napadpad sa mga Ayta sa Zambales. Hindi ko naman pinili ito; basta nangyari na lang.

Kinausap ko si Ka Carling Domulot, lider ng samahang LAKAS sa Bihawo, Botolan sa Zambales. Sabi niya ay dati na silang nagka-nursery ng mga katutubng punong-kahoy, pero kinapos sila ng pera kaya di na nila ito naituloy.

Bukas naman silang makipagtulungan sa Clean and Green Foundation para magtayo muli ng isang nursery para sa mga katutubong kahoy na kilala nila at kayang kolektahin sa bundok na kanilang iniwan nang pumutok ang Pinatubo.

Kanina nga ay naibigay ko kay Meth ang unang listahang ipinadala ni Carling - may 31 pangalan ng iba't ibang punong-kahoy na alam nila.

Kung minsan, napapaisip ako kung bakit ba sa mga Ayta ako napalapit at nakikipagtulungan. Di ba dapat ay sa mga Mangyan, dahil taga Mindoro ako?

Saka, bakit mas mauuna yata akong makatulong na magtanim ng mga puno sa bundok ng Zambales, gayong sa Mindoro ako umuuwi at ninenerbiyos na baka bahaing muli?

Medyo napalapit na kami ni Ka Carling sa isa't isa, kaya pwede nang mag-usap nang prangkahan at masinsinan. Minsan medyo pabiro niyang sinabi sa akin, "Ka Ed, di ba kaming mga katutubo ang nauna dito sa Pilipinas? Kaya noong panahon ng aming mga ninuno, kami ang mayorya. Bakit kami ngayon ay minorya na? Siguro dahil pinagpapatay at itinaboy ng iyong mga ninuno ang aming mga ninuno!"

Alam kong sa Sikolohiyang Pilipino, ang unang porma ng pagpuna ay sa pamamagitan ng biro. Kaya sa marunong makiramdam, ang biro ay may laman.

Pabiro rin ang sagot ko, "Ka Carling, huwag mo naman akong singilin sa anumang ginawa ng aking mga ninuno!"

Peo dagdag kong mas seryoso, "Siguro, ang ginagawa kong pakikipagtulungan sa inyo ay bahagi na rin ng bayad-utang namin sa inyo."

Siguro nga.

Sunday, November 4, 2007

Bagong lumang balita

Ngayong umaga, binulaga tayo ng balita tungkol kina GMA, FVR at JDV. Nagkaisa na raw sila para sa 2010, Nakangisi lahat.

Bakit naging balita ito? Di ba dati na silang magkakampi?

Sabi ni Steven Pinker, isang manunulat na Kano, hindi balita kung ang dati nang magkaaway ay mag-away. Siempre hindi rin balita king ang dati nang magkakampi ay magkasundo. Pero kung ang dating magkakampi ay mag-away, o ang dating magkaaway ay magkasundo, yan ang balita.

Siguro pwede na ring ituring na balita ang headline ngayon. Bakit?

Dati kasing nag-gigirian bago mag-Undas ang tropa ni JDV at mga kampon ni GMA. Kahit na nag-time out para sa mahabang bakasyon, parehong nagsabing abangan ang kanilang pagbabalik: Magkakasukatan ng lakas.

Kung bibigay si GMA, pagbibigyan nya ang panawagan ni JDV na balasahin ang Kabinete. Kung lalargahan ni GMA ang kakampi sa Kongreso, talsik si JDV sa pagka-Speaker. Pero kung isasagad ni JDV ang laban, pwede ring suportahan niya ang impeachment ni GMA.

Kaya bagong-lumang balita ang kanilang photo-op sa Palasyo.

Samantala, patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo, at baka pumalo ng 100 dolyar bawat bariles. Siempre humihingi ang sektor ng transport ng mas mataas na bayad sa pasahe.

At patuloy rin ang tsismis (at paghihintay) sa pag-aalma ng mga opisyal at sundalong asar na sa mga lumang laro ng mga trapo, at gusto ng mas matinong pulitika at makabuluhang pagbabago.

Kungsabagay, parang bagong-lumang balita rin ito.

Friday, November 2, 2007

Blog ang Mundo

Si Byron Bocar ang unang nagsabi nito nang ngkwento akong nagsimula na akong mag-blog. "Blog ang mundo mo." OK rin ang pa-cute nyang banggit sa advertisement ng Ginebra. Pero ang blog ko ay sa Ingles http://edicio.wordpress.com. Sori, di pa ako marunong gumawa ng links.

Mahaba-haba ang bakasyon, kaya naisip kong magsimula ng bagong blog, pero sa Pilipino. Medyo nagagamay ko nang mag-blog nang regular sa Ingles. Pero gusto ko ring mahasa sa pagsusulat sa Pilipino. Saka baka may mga kaibigan akong mas gustong sa sariling wika natin makipagpalitan ng kuro-kuro at balita.

Ayon sa PinoyBlogger, mga 75,000 raw ang mga blog ng Pinoy. Sa buong mundo, ang kalkulasyon ay 100 milyon humigit-kumulang ang nagba-blog. Kaya naman may isang aktibistang hindi bilib sa mga akitibstang gustong palaganapin ang paggamit ng blog. Masyadong limitado raw, at mas elitista.

Tama siya, sa ngayon. Pero palagay ko lalawak ang daigdig ng blog kahit sa mga Pinoy. Totoong malayo ang agwat natin sa South Korea na 20 milyon ang blogger; at di tulad ng celfone, na mas madaling bilhin, kailangan sa blog ang computer at internet connection ma mas mahal. Pero tiyak na rarami at rarami ang Pinoy na matututong mag-blog, laluna ang bagong henerasyon.

Minsan tinanong ako ni Girlie (kabiyak ko) kung bakit ako nagba-blog. Sabi ko, guto ko lang masanay na magsulat nang regular, at mag-post ng mga naiisip ko. Kung may magbasa at makitang may katuturan ang aking naisulat, dagdag na dahilan. At malay natin, baka may mga makatagpong kausap na isip at damdamin.

Sige, hanggang dito muna.